Medyo may pagkapihikan ako pagdating sa musika. Hindi ko masyadong tipo ung mga mainstream, at lalong hindi ko rin gusto kapag dumadami ang nakakaalam sa mga artist na ayon sa panlasa ko dahil para bang sa paningin ko, parte ng apil nila ang pagiging hindi ganoong kilala. Kung pihikan ako ngayon, siguro ay maituturing ko namang elitista ang sarili ko noon. Sarado ang tainga ko sa ilang mga piling genre partikular na sa hiphop.
Ang unang pumapasok sa isip ko noon kapag binabanggit ang hiphop ay mga kantang pulos tungkol sa pakikipagtalik, pag-o-objectify ng mga kababaihan, pagkalango ng alak, paghithit ng marijuana, at kung ano pa. Itinatak ko sa isip ko na kahit kailan ay hindi ko tatangkilikin ang ganitong musika na walang ibang mensahe kung hindi ang pagpapalaganap ng isang bobong kamalayan. Ang bumago sa aking makitid na pananaw ay ang pagka-diskubre at pagsubaybay ko sa Fliptop Battle League noong dalawang taong na ang nakakalipas. Mula sa isang featured video na naisipan ko lang panoorin, naubos ko sa isang upuan lahat ng mga laban na naka-upload sa channel nila noon.
Bago magsimula ang bawat laban, laging may kaakibat na intro music ang pagpapakilala sa bawat kalahok. Kahit ilang segundong preview lang ang laging pinapatugtog, lubos akong naenganyo hanapin ang mga kopya ng ilan sa mga kantang iyon sa internet. Kung pangit man ang bakat sa akin ng hiphop noon, iyon ay dahil maling anggulo nito ako nakabilad. Sabi nga ng iba, “Real hiphop is underground.” Kadalasan, sa parehong tono at liriko nakadepende ang totalidad mga mas sikat na porma ng musika, samantalang sa hiphop naman, ibang iba ang karanasan ng pakikinig dahil mas nabibigyan ng atensyon ang lirikong nakasaliw sa isang constant na beat. Kaya minsan napapapikit na lang ako para lubos kong maunawaan ang nais ipahiwatig ng emcee.
Noong una, inakala ko na freestyle lahat ng kanilang pinupukol na linya sa isa’t isa. Sa katagalan, napagtagni ko na ang bawat salitang lumalabas sa kanilang bibig ay bunga pala ng matagal pagsusulat at paghahanda para sa laban. Malas na lang ng iba na nakakalimot paminsan-minsan ng kanilang mga banat dahil wala silang ibang magagawa kundi mag-freestyle nang sa ganoon ay maiwasan ang choking o ang pagkakaroon ng mahabang dead air. Ang talagang nagtulak sa akin na maging tagahanga ng modernong balagtasan na ito ay ang pagiging middle ground ng mga liriko nila sa prosa at patula. Kung baga, parang free form poetry na mas hitik sa references, rebuttal, katatawanan, at higit sa lahat, panlalait. Minsan ko nang naisip na sana’y mas umaangkop sa mga kasalukuyang isyu ang pinag-uusapan nila pero natanto ko rin na ang mga pamimintas nila ang mismong salik na nagbibigay ng aliw sa Fliptop at sa iba pang pang-international na liga tulad ng Grind Time at King of the Dot. Likas na rin naman talaga sa mga Pilipino ang ganitong estilo kaya nga patok na patok sa atin ang mga comedy bars at ang mga personalidad tulad ni Vice Ganda.
Magka-iba ang kumikiliti sa akin sa English at Filipino conference battles. Sa Filipino, mas hilig ko yung mga on point, witty, nakakatawa, may wordplay at gumagamit ng mga hindi karaniwan na references. Ilan sa mga paborito kong emcees sa division na ito ay sina BLKD, Loonie, K-Jah at Tipsy D. Kinakatawan siguro ng linyang ito galing kay BLKD sa laban niya kay Mel Christ ang mga katangian na nais kong marinig sa mga sinasambit na bars ng mga kalahok sa liga:
“Dahil ang tula ko ay deadly / Pumapatay, kumikitil, pumapaslang—3 ways! / Huwag ka nang umasang magr-resurrect ka pa after 3 days / Dahil hindi ka na tatalino kahit sa 3 wise men sumabit / Mga linya mong nakakaantok parang 3-o’clock habit!”
Sa kabilang banda, ang pamantayan ko naman sa English division ay sina Protege, Skarm at NothingElse. Kumpara sa Filipino division, malaking bagay para sa akin ang angas at confidence sa mismong pag-deliver ng mga kataga at linya. Mas tipo ko yung mas malalim kesa sa patawa. Ito ang isang banat galing kay Protege sa laban niya kay Diaz sa King of the Dot 2:
“See, out of 64, you probably have 8-bit like a phase out cartridge chip / Like your brain is, played out, with not enough space for some creative sparks to fit.”
Lumaki ang respeto ko sa hiphop matapos mapadpad ang aking tainga sa mas kaaya-ayang sulok nito. Bagaman may mga musika talagang hindi ko pa rin magawang pakinggan, kanyang-kanyang trip pa rin yan at syempre, walang panlasang nakakahigit pa sa iba. Sana mas umunlad pa at lumawig ang impluwensiya ang ang hiphop scene dito sa Pilipinas. Dahil sa totoo lang, kung tatanggalin natin ang mga kabastusan sa Fliptop, mas nakakatulong pa ito sa pagpapayabong ng creavity, di tulad ng mga local TV shows dito sa atin na puro generic ang istorya. Ito ang makabagong pasalitang literatura para sa mga takot at ayaw makulong sa konserbatibong pamamaraan ng tuluyan at panulaan.
At ngayong habang wala pang bagong uploads si Anygma para sa mga pagtutuos sa Ahon 3, babalik-balikan ko muna ang mga videos ng mga laban na tumatak sa akin.








